Saturday, October 22, 2005

Matagal na rin akong ganito, mga ilang buwan na, naka-maskara, pilit nagpapanggap dahil sa mundong alam kong hindi ako maiintindihan. Lagi akong masaya, nakangiti na lang sa kung sinong anino ang dumaan… iyan ay kung may nakakakita nga sa akin. Magaling nga siguro akong umarte. Isipin mo, sa tagal ng pagpapanggap ko, walang ni isa man lang ang naghinalang marahil sa mga sandali ng aking pag-iisa ay umiiyak din ako. Bilib nga sila sa akin, paano, iniwanan na daw ako at pinaglaruan, nakatawa pa rin. Minsan, may nagtanong pa nga kung paano daw makalimot. Tinawanan ko lang, parang napaka-obvious ng sagot. Pero sa totoo, tinawanan ko dahil ako mismo, hindi ko alam. May ilan nang humanga sa 'kin, buti pa daw ako, nakapag-move-on na. Kung nakikita lang sana nila ako sa mga minsang sandaling ako lang mag-isa.Matagal na rin akong ganito, minsan nga nakaka-manhid na. Sige, bato nyo lang lahat sa akin! Na pinagpalit mo ako sa isang playboy na halos sampung taon ang tanda sa iyo dahil sa magaling siyang tumugtog ng gitara. Na palipat-lipat ka lang sa mga kotse sa walang hangganang pila ng mga drag racers kasama ang libreng toma at hatid-sundo sa bahay nyo. Na tubig mo na ang Red Horse habang hirap pa ako sa paghithit ng isang sigarilyo. Na wala na ako sa buhay mo habang ikaw pa rin ang nagpapatakbo ng mundo ko. Nakakainis isipin, ano? Kaya nga iniiwasan ko na lang isipin. Unti-unti, iniipon ko na lang ang lahat ng mga pabirong pintas nila sa pagiging tanga ko dahil iniisip pa rin kita. Nakakatawa nga, dun lang ako lumalaban kapag ikaw na ang iniinsulto nila. Sa lahat, yun ang hindi ko nakakayang tiisin. Laitin na nila ako’t pagtawanan, huwag lang ikaw ang mabastos (ganyan kalaki ang halaga mo sa akin, kahit na ba binasura mo na ako’t pinagtabuyan.) Kaya nga tuwing gabi na lamang, kung kelan mga munting hinga na lang ang naririnig ko, kung kelan wala ng makakapansin sa akin, doon ko hinuhubad ang maskara ko at umiiyak. Hindi ko nga ba alam. Basta sa mga sandaling iyon, doon lamang ako sumasaya ng lubusan. Yakap ang unang bigay mo pa sa akin, pilit kong binabalikan ang mga panahong nagkasama tayo. Iyong mga araw na nagkatabi tayong wala nang sinasabi, basta naka-upo na lang (di ba masaya na tayo nun?) Sa ganoon lang, ramdam ko nang mahal mo ako. Sa bawat patak ng luha, bumabalik ang mga simpleng tawanan, baduy na lambingan, at lahat ng mga kakornihang bagay na ginagawa natin dati. Sa bawat hikbi, pilit kong inaalala ang mga salitang sinabi mo sa 'kin. Sabi mo pa nga, hindi ka titigil sa pagmamahal. Alam mo, hanggang ngayon, sa bawat hikbi at patak ng luha ko, naininwala pa rin ako dun. At sa dahan-dahang pag-alis ng malay ko, dahan-dahan ko ding binubulong ang mga salitang gusto ko sanang iparinig sa iyo sa dalawang linggong hindi tayo nagkita bago mo kinalimutan ang dalawang taong pinagsamahan natin. Matagal na akong ganito, gusto ko nang makawala, nakakamanhid na eh. Pero paano nga ba kita malilimutan kung kahit saan man ako matingin, nakikita pa rin kita. Wala na akong nakausap na kaibigan natin dati na hindi ako tinatanong kung kumusta ka na. Paano nga ba kita makakalimutan kung larawan mo pa rin ang nakadikit sa locker ko? Kung messages mo pa rin ang nasa outbox ko? Kung gamit ko pa rin ang tasang regalo mo sa akin, ang T-shirt, ang mga panyo, ang unan ko? Paano nga ba kita malilimutan kung buwan-buwan na lang kitang sinusulatan sa mga papel na sinusunog ko rin kinabukasan? Minsan naisip ko kung nasaktan ka rin ba sa mga nangyari, kung umiiyak ka rin ba tulad ng pag-iyak ko, kung kahit paminsan-minsan man lang ay nadadalaw ko din ang isipan mo. Matagal na akong ganito, umiiyak sa likod ng aking maskara, panay ang hiling na sana’y mahal mo pa rin ako, pilit na kumakapit sa mga alaalang iniwan mo. Pero gusto ko na ring makawala, naaawa na rin ako sa sarili ko kung minsan. Nakakamanhid na. Ilang beses ko na nga bang pinangako sa sarili kong kakalimutan ka. Pero marahil, sa mga sandaling nag-iisa na lamang ako, kailangan ko lang talagang hubarin ang maskara, lumuha, at sumulat ng mga linyang tulad nito…

0 Comments:

Post a Comment

<< Home