Saturday, October 22, 2005

Paalam
May mga panahong basta alam mo lang kailangan na talagang magpaalam. Pwedeng dahil gusto mo, o kaya nararamdaman mong gusto niya, o di kaya basta lang alam mo kailangan na. Basta lang alam mo wala ka nang magagawa. Pinakamadali kapag ikaw ang may gustong umalis. Magpakahipokrita ka man na ayaw mo makasakit ng damdamin ng ibang tao, alam mong wala ka naman talagang pakialam. Dahil talagang ayaw mo na, kahit ano pang pagmamakaawa sa 'yo, wala nang makakapagbago ng isip mo. Sabi nga nila, kapag ayaw maraming dahilan, kapag gusto maraming paraan. At sapagkat nakapagdesisyon ka na, walang kung ano pa mang dahilan ang maibibigay sa'yo para mabago ang isip mo. Malas mo kung ang dahilan kung bakit naisip mong tapusin na ang lahat ay dahil sa pagkakaintindi mo, ayaw na niya. Kung hindi man napapraning ka lang kaya uunahan mo na siya o naniniwala ka lang talagang hinihintay lang niyang ikaw na ang magtapos ng lahat, mas malas ka pa rin. Ganun talaga e. Kung baga, hindi mo naman talaga gusto. Napilitan ka lang. Pwedeng kulang ka lang talaga sa tiwala sa sarili mo o kaya sadyang martir ka lang. Kung ano man sa dalawa, talo ka pa rin. Pero wala nang mas sasaklap pa sa paalamang wala namang may gusto. Yung bali-baliktarin mo man ang mundo e dun din naman hahantong ang lahat. Wala nang ibang maaaring gawin kundi yun na nga. Magpaalam. Masakit, mahirap tanggapin, pero kailangan. Nakakainis kasi sa ganitong sitwasyon, dapat matatag ka. Pero ang tangi mo namang naiisip, pano ka naman magiging matatag kung kukunin naman sa 'yo ang tanging nagbibigay sa'yo ng lakas ng loob para harapin ang kahit ano man? Ngunit dahil tulad nga ng paulit-ulit kong sinasabi, wala ka nang magagawa. Kaya magkukunwari ka na lang na okey lang ang lahat, magbibitiw ka ng mga salitang puno ng pangarap sa pag-asa ng pagsasama sa panahong hindi mo naman makita sa hinaharap. Ngingiti ka at magpapaalam. Ah, binabawi ko ang sinabi ko kanina. Hindi pa pala yung huling yon ang pinakamasaklap. May mas grabe pa dun. At ito ang pinakaayaw kong mangyari sa 'kin magpakailanman na parang kahit anong gawin ko e tadhana ko na 'ata. Ito yung bigla mo na lang napansin, wala na pala. Ni hindi mo man lang namalayan, hindi mo alam kung bakit, basta lang tapos na ang lahat. Hindi ka man lang nakapagpaalam. Hindi mo tuloy alam kung anong gagawin mo. Mangunguna ka na ba? E pa'no kung pwede naman palang huwag muna e di pinatay mo na ang kung ano mang pag-asang maipagpatuloy pa ang lahat? Kapag naman wala kang ginawa at tuluyan na ngang nawala kung ano man yun, e di ang lungkot nga kasi ni hindi ka man lang nakapagpaalam, nakapagpasalamat man lang sa panandaliang sayang idinulot ng inyong pagsasama. Ang hirap din namang maghintay lang basta, ano bang alam mo kung may inaantay ka nga talaga o nagpapakatanga ka lang? Alam ko namang hindi talaga maiiwasang minsan sa buhay mo, masasaktan ka, maiiwan, mapapaasa. At alam ko ring mahirap magpaalam. T*ngina, syempre naman alam kong mahirap magpaalam. Pero bilang paggunita man lang sa munting kung ano mang maaaring mamagitan sa dalawang tao, sana naman kung sakaling humantong na nga ang wakas, magsabi ka man lang. Kung ito na nga yun, magpaalam ka naman. Yun lang.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home